May 2, 2024

Empleyada ng Kapitolyo ng Batangas tinodas ng riding-in-tandem sa loob ng tricycle


Batangas City – Binawian ng buhay ang isang babaeng biktima na isang empleyada ng Batangas Provincial Capitol matapos pagbabarilin habang sakay ng isang tricycle ng mga hindi kilalang suspek dakong alas- 12:10 ng tanghali nitong araw ng Sabado sa Brgy. Kumintang Ibaba ng nasabing bayan.

Kinilala ang biktimang si April Gallardo, 34, naka-assign bilang personnel ng Bids and Awards Committee at residente Brgy. Kumintang Ibaba ng parehong bayan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Batangas  City Police Station sakay ng isang Kawasaki Barako tricycle na meron temporary plate na 0401-0778521 ang biktima na minamaneho naman ni Joemar Borres na nasa hustong gulang patungo ng Brgy. Soro-Soro sa Astra Realty Corporation para katagpuin ang isang kliyente na ipapasyal sa Mercedez Homes Subdivision nang harangin at paputokan ‘di umano ng sunod-sunod ng mga suspek ang biktima gamit ang cal.45 na kalibre ng baril na agad namatay dahil sa mga tinamong sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Narekober sa lugar ng crime scene ang isang basyo ng bala para sa parehong kalibre ng baril.

Mabilis naman tumakas ang mga salarin sakay ng hindi na plakahang motorsiklo patungo sa ‘di pa tukoy na direksyon dala ang baril na ginamit sa krimen at inaalam na rin ng pulisya kung may kinalaman sa trabaho o personal na motibo ang nangyaring pamamaslang sa biktima. (Koi Hipolito)