November 2, 2024

ELEAZAR TOP SENATORIAL PICK NG GRUPO NG MGA OBISPO

Matapos makatanggap ng suporta mula sa Iglesia ni Cristo (INC), grupo naman ng mga obispo mula sa iba-ibang sektang Kristiyano ang naghayag ng suporta kay senatorial candidate at dating PNP chief General Guillermo Lorenzo Eleazar.

Inendorso ng Independent Bishops Conference of the Philippines (IBCP) ang kandidatura ni Eleazar sa isang seremonyang pinangasiwaan ng mga lider at miyembro ng grupo, sa pangunguna ng pangulo nitong si Bishop Efraim Perez.

“We, the Independent Bishops Conference of the Philippines, composing of 187 bishops nationwide, clearly believe that it’s our moral and spiritual obligation to guide, to lead our nation for righteousness,” ani Perez. Si Eleazar ang first choice ng IBCP sa 12 senatorial candidate na kanilang inendorso para sa parating na halalan.

“Maraming salamat po sa Independent Bishops Conference of the Philippines sa pag-endorso sa akin bilang pangunahing kandidato sa pagka-senador. Ilang araw bago ang halalan, malaking bagay ang endorsement ng ating mga kapatid sa IBCP para madala natin ang laban ng bawat Pilipino sa Senado,” ani Eleazar.

“Sana ay samahan niyo ako at ihatid sa Senado sa May 9 upang maipaglaban ko ang laban ng bawat Pilipino. Dahil ang araw araw na laban ng Pilipino ang magiging laban ko sa Senado.”

Ayon sa IBCP, unanimous ang naging pagpili nila kay Eleazar dahil sa mabuti niyang ugali, pananaw, at kakayanang pamunuan ang bansa patungo sa tamang landas.

Tatlumpu’t walong taon nagsilbi sa militar at pulisya si Eleazar at ginugol ang niya huling anim na buwan sa serbisyo bilang PNP chief, bago nagretiro noong Nobyembre 2021.

Bilang opisyal ng PNP, lumaban si Eleazar sa mga kriminal, terorista, rebeldeng komunista, at iba pang masasamang-loob para mapanatili ang peace and order. Sa kanyang pagtakbo bilang senador, balak naman ni Eleazar na masulong ng batas na magpapalakas sa seguridad at peace and order.

“Naniniwala akong kaisa natin ang Independent Bishops Conference of the Philippines sa layunin natin na mapanatili ang kapayapaan sa ating bansa. Kaya naman, taos puso po ang aking pasasalamat sa ating mga bishops na umaalalay sa ating kandidatura,” ani Eleazar. Bukod sa IBCP at INC, inendorso din si Eleazar ng El Shaddai, ang pinakamalaking Catholic charismatic group sa bansa.