
Layunin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na makapagtayo ng 50,000 libreng Wi-Fi spots sa buong Pilipinas bago sumapit ang taong 2028 upang mas mapalawak ang access ng publiko sa internet.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, kasalukuyan nang may 18,000 Wi-Fi sites sa iba’t ibang bahagi ng bansa at layon nilang palawakin ito, lalo na sa mga paaralan upang makinabang ang mga estudyante’t guro.
Inaasahan ng ahensya na makikinabang ang mahigit 9.8 milyong internet users mula sa programang ito, na sasaklaw sa 1,401 lungsod at munisipalidad, kabilang ang 3,040 geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).
Bukod dito, inihayag ng DICT ang intensyon nitong lumagda ng kontrata sa isang satellite internet company upang mas mapabilis at mapamura ang koneksyon sa mahigit 10,000 lokasyon sa bansa.
Kasabay nito, patuloy ding nagbibigay ng subsidiya ang DICT sa mga telecommunication companies at common tower providers bilang suporta sa pagpapalawak ng internet infrastructure sa bansa.
“Libreng internet ay hindi na dapat pangarap, kundi karapatan,” ani Aguda.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng adbokasiya ng ahensya na isulong ang digital inclusion at tiyaking walang Pilipinong maiiwan sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
