
Ramdam na sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang positibong epekto ng Early Procurement Activity (EPA) ng Department of Education (DepEd), partikular sa implementasyon ng DepEd Computerization Program (DCP) 2025.
Ang hakbang ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking maagap at episyente ang paghahatid ng mga kagamitang pang-edukasyon. Ito rin ay mariing itinulak ni Education Secretary Sonny Angara bilang bahagi ng reporma sa ahensya.
Ayon kay William Roderick R. Fallorin, Schools Division Superintendent ng Zambales, malaki ang ipinagbago ng sistema ngayong taon kumpara sa mga nakaraang implementasyon.
“Kung matatandaan niyo, late na dumarating yung mga laptops natin, yung DCP packages natin. Pagdating sa schools, minsan hindi na 100% functional, o kaya hindi na rin masyado magamit,” ani Fallorin.
Para sa DCP 2025, 33,539 laptops ang na-procure para sa teaching personnel—9,466 dito ang naipamahagi na. Para sa non-teaching staff, 5,360 laptops ang binili, at 3,255 units ang naideliver na.
Bukod dito, 25,949 Smart TV packages na may external hard drives ang naiprocure rin, kung saan 6,634 ang naipamahagi na sa mga paaralan.
Sa ikalawang quarter ng 2025, 79% ng kabuuang budget ng DCP ay na-award na, patunay na epektibo ang maagang procurement.
“Malaking bagay na nag-EPA tayo. Wala pa mang budget, nagpa-procure na tayo. Kaya pag na-approve ang GAA, ia-award na lang siya. Tuloy-tuloy ang distribution—hindi na naiipon sa warehouse tulad ng dati,” dagdag ni Fallorin, na nangangasiwa sa mahigit 300 pampublikong paaralan.
Kaniya ring pinuri ang pamumuno ni Sec. Angara sa pagpapaigting ng EPA sa DepEd:
“Ngayon talaga ramdam mo yung emphasis sa EPA. Napabilis ang proseso. Nakarating agad ang mga kagamitan sa mga guro sa tamang panahon.”
Binigyang-diin din niya na dahil maaga nang naipapamahagi ang mga devices, nagagamit ng buong-buo ang “shelf life” ng mga ito:
“Kung dalawang taon ang buhay ng laptop, dalawang taon talaga nila magagamit ‘yon. Hindi tulad dati na late dumating, tapos sandali na lang magagamit bago masira.”
Partikular na nakikinabang ang mga probinsyang may limitadong pondo tulad ng Zambales.
“Gusto naming bigyan ng laptop ang mga guro dito, pero hindi talaga kaya ng local funds. Ngayon, dahil sa EPA, meron na silang gamit at mas magagawa na nila ng maayos ang kanilang trabaho,” ani Fallorin.
Nagpasalamat din siya sa DepEd Central Office:
“Sa DepEd family, lalo na sa Central Office—maraming salamat sa pagpupursige sa EPA. Nandito kami sa field para tumulong.”
Sa pamumuno ni Sec. Angara, ang early procurement ay nagbibigay daan sa mas maagap na paghahanda ng mga guro at paaralan—isang hakbang patungo sa mas mahusay, episyente, at learner-centered na sistema ng edukasyon sa bansa.
