May 3, 2024

DUMALAW SA PRESO TIKLO SA KANIN NA MAY SHABU

Arestado ang isang bebot na dadalaw sa kanyang boyfriend na nakakulong matapos mahulihan ng shabu na itinago sa kanin sa Caloocan City.

Kinilala ang naarestong suspek na si Erica Rivera, 40 ng No. 49 Zapote Street, Bagong Barrio.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, dakong ala-1 ng madaling araw nang dumalaw ang suspek sa kanyang boyfriend na nakakulong sa Bagong Barrio Police Sub Station 5, sa Brgy. 146 para dalhan ng pagkain.

Habang nagsasagawa ng routinary inspection si PCpl Dandan Canuto at PCpl Philip Siembre sa dalang pagkain ng suspek ay may napansin silang kakaiba sa loob ng isang transparent plastic bag na naglalaman ng kanin.

Inatasan ni PCpl Canuto ang suspek na buksan ang plastic bag at ilabas ang laman nito kung saan nakuha sa loob nito na nakapalaman sa kanin ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng nasa 0.9 gram ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P6,120 ang halaga.

Inaresto ng mga pulis ang suspek at sinampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya ng Caloocan City.