May 16, 2024

Driver hindi na nagising sa pagkakatulog

HINDI na nagising sa kanyang mahimbing na pagkakatulog ang 29-anyos na driver matapos madiskubre ng kapatid niya na wala ng buhay sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon nina PSSg Reysie Peñaranda at PCpl Florencio Nalus, unang inirereklamo ng biktima ang pananakit ng kanyang likod at pagkatapos ay naligo siya saka natulog sa loob ng kanilang bahay sa M. Naval St Brgy. NBBS Proper.

Alas-6:45 ng madaling araw, tinangkang gisingin ng kanyang 33-anyos na nakakatandang kapatid na lalaki ang biktima subalit, napansin niyang hindi na ito tumutugon kaya’t agad siniyasat ng saksi ang kapatid.

Dito, niya nadiskubre na patay na ang kanyang kapatid na naging dahilan upang humingi siya ng tulong sa kanilang mga magulang at kalaunan ay sa kanilang barangay.

Wala naman nakitang external injury sa katawan ng biktima na nakatakdang isailalim sa autopsy examination upang matukoy kung anu ang kanyang ikinamatay. (JUVY LUCERO)