Nagbabala ang Climate Conflict Action Asia (CCAA) sa gobyerno ng Pilipinas na huwag maging kampante laban sa banta ng terorismo, kasunod ng mga ulat na muling nagpapalakas ng puwersa ang grupong Dawlah Islamiya (kilala rin bilang ISIS) sa katimugang bahagi ng bansa.
Ayon sa CCAA, bagaman “significantly degraded” o nanghina ang grupo dahil sa tuloy-tuloy na operasyong militar matapos ang 2017 Marawi Siege, nananatiling aktibo ang mga militanteng network at mga lider nito.
Iginiit ng grupo na ang kamakailang pagkakapatay sa dalawang pinuno ng ISIS na sina Abu Jihad at Mohammad Usman Suleiman noong nakaraang buwan ay patunay na buhay pa rin ang banta sa pambansang seguridad.
“Dawla Islamiya is down but not out,” pahayag ng CCAA.
Sa pagsusuri ng CCAA, may mga senyales ng tumataas na mobilisasyon at radikalisasyon sa ilang bahagi ng Mindanao, kabilang ang mga lugar na dati nang itinuring na “cleared” na sa terorismo gaya ng Basilan. Partikular na binigyang-diin ang muling recruitment at aktibong tina-target ng grupo ang mga kabataan upang sumapi sa kanilang kilusan.
May mga ulat ng mga kabataang humihiwalay sa kanilang mga pamilya at lipi upang sumama sa extremist groups.
Nakapagtala rin ng pagtaas ng bilang ng marahas na bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at mga grupong may kaugnayan sa mga ekstremista sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Dahil sa insidente ng pamamaril sa Bondi Beach sa Sydney, Australia nitong buwan, hinimok ng CCAA ang gobyerno na palakasin ang vigilance o pagbabantay.
Nagbigay rin ang organisasyon ng payo sa pamahalaan na higit pang palawakin ang mga reintegration programs para sa mga dating rebelde.
Ayon sa CCAA, hindi sapat ang puro puwersang militar; kailangan ang mga programang nakasentro sa komunidad, sustainable reintegration, at “restorative justice framework” upang tuluyang maputol ang siklo ng karahasan.
Sa huli, nagpaalala ang CCAA na iwasan ang paggawa ng mga konklusyong walang sapat na ebidensya habang gumugulong ang mga imbestigasyon sa mga pandaigdigang pag-atake.
Anila, ang mga haka-haka ay maaaring mag-ugat sa diskriminasyon sa relihiyon at identidad, na lalo lamang nagpapalala sa radikalisasyon.
