Larawan mula kay Pangulong Bongbong Marcos Jr/FB
Determinado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi siya aalis sa Malacañang hangga’t hindi naaayos ang problema sa flood control sa bansa, matapos personal niyang suriin ang Kennon Road rockshed project sa Camp 6, Barangay Camp 4, Tuba, Benguet nitong Linggo, Agosto 24.
I will not leave this office until I fix this. This is one of those things,” wika ni Marcos sa inspeksyon.
Kasama sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at Tuba Mayor Clarita Sal-ongan, tinutukan ni Marcos ang 152-meter na istruktura na nakatakdang protektahan ang mga motorista laban sa landslide. Ngunit natuklasan niya ang malalaking depekto, kabilang ang pagbagsak ng slope protection at erosion sa ilalim ng kalsada.
“You can see for yourself na talagang hindi tinarabaho nang mabuti ito. Ang supposed safeguards, collapsed immediately,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, P260 milyon ang nagastos sa proyekto ngunit “parang walang ginawa” ang resulta.
“Wala silang tinayo, wala silang nilagay na wall, wala silang nilagay na riprap, wala silang nilagay na slope protection,” dagdag niya.
Sinabi ni Marcos na aabutin pa ng P500 milyon para ayusin ang proyekto at itinuring ang pangyayari bilang economic sabotage, dahil naapektuhan ang kabuhayan ng mga lokal.
“35 percent ng kanilang hanapbuhay ang nawala dahil sa road access disruptions,” paliwanag niya.
Binatikos din ng Pangulo ang paggamit ng rock netting, na umano’y kilala sa katiwalian at overpriced: market price na P3,200, ngunit siningil sa gobyerno ng P12,000 kada metro kwadrado.
“Kaya’t malala ito. Ang contractors at suppliers kumikita, habang ang public safety at livelihoods ng tao nakataya,” ani Marcos.
Ito na ang ikalimang inspeksyon ng Pangulo sa mga problematic flood control projects, at tiniyak ng Malacañang na tuloy ang kanyang imbestigasyon at reporma sa naturang proyekto.
Ang P273.93-milyong proyekto ay pondo mula sa 2022 national budget, ipinatupad ng DPWH-Cordillera Administrative Region, at nagsimula noong Enero 2023 hanggang Abril 2025.
