Nagbabala ang pamahalaang lungsod ng Quezon City dahil sa matinding pagtaas ng kaso ng dengue ngayong taon. Ayon sa mga health official, umabot sa 150 porsyento ang pagtaas, na may kabuuang 7,084 kaso mula Enero 1 hanggang Agosto 22, na nagresulta sa 23 pagkamatay.
Ayon kay Dr. Rolly Cruz, chief epidemiologist ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division:
“Halos kalahati ng mga kaso ay mga batang 10 taong gulang pababa, na umabot sa 3,407. Sinundan ito ng mga kabataan at young adults na may edad 11 hanggang 20, na may 1,957 kaso.”
Ang malakas na ulan mula sa mga bagyo at habagat ay nagdulot ng mas maraming lugar para sa pagpaparami ng lamok na tagadala ng dengue, ang Aedes aegypti. Pinakamataas na kaso ay naitala sa Batasan Hills, Payatas, Commonwealth, at Holy Spirit, sinundan ng Pasong Tamo, Bagong Silangan, at Tatalon.
“Alam natin na kung hindi lilinisin ang ating mga tahanan, puwede maipon ang tubig at doon magparami ang lamok. Sa kasamaang palad, sila ang nagdadala ng dengue virus,” paliwanag ni Cruz.
Handa na ang mga health center sa lungsod upang tugunan ang pagdami ng kaso. Pinayuhan ni Dr. Cruz ang publiko na agad dalhin ang mga miyembro ng pamilya, bata man o matanda, sa pinakamalapit na health center kung mayroon silang sintomas ng trangkaso na tumatagal ng dalawa hanggang tatlong araw.
Patuloy din ang fever fast lanes sa lahat ng health centers para sa testing ng dengue at leptospirosis. Bagaman bumaba ang mga kaso ng leptospirosis kamakailan, pinayuhan pa rin ang mga residente na nalantad sa baha na mag-prophylaxis.
“Mahalaga ang maagang pagpapakonsulta. Ang may lagnat, matinding sakit ng ulo, rashes, o iba pang dengue-like symptoms ay dapat agad magtungo sa health center o ospital para sa tamang medikal na atensyon,” dagdag ni Cruz.
Patuloy na minomonitor ng Quezon City Health Department ang sitwasyon at hinihikayat ang publiko na panatilihing malinis ang kanilang tahanan at alisin ang nakatambak na tubig upang maiwasan ang pagkalat ng dengue.
