Larawan mula sa DepEd National Employees Union
NANAWAGAN si Atty. Domingo Alidon ng National Employees’ Union sa Department of Education (DepEd) na tigilan na ng ilang opisyal ang umano’y panghaharang sa ratipikasyon ng Collective Negotiation Agreement (CNA), na siyang legal na batayan ng pagbibigay ng CNA incentives sa non-teaching personnel.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Alidon ang buong proseso ng CNA, mula sa pagpirma ng unyon at pamunuan, pagpapanotaryo, pagdadala sa mga miyembro para sa ratipikasyon, hanggang sa pagsusumite sa Civil Service Commission (CSC) para mabigyan ng ratification number.
“Kapag hindi naratipikahan, mawawala ang CNA kahit may kasunduan na. Kailangan ng 50% plus 1—kung 100 personnel, dapat 51 ang pumirma,” giit ni Alidon.
Ayon sa unyon, maraming non-teaching personnel ang hindi makagalaw sa signature campaign dahil hinihintay umano ng mga superintendent ang division memorandum, kahit hindi naman kinakailangan ang ganoong restriksyon.
“Hindi gagalaw ang tao hangga’t walang division memo. Napakaburokratiko natin,” ani Alidon.
Dagdag pa niya, hindi alam ng karamihan sa mga regional director ang ratification process, kaya’t hindi malinaw kung bakit may mga superintendent na tila nangingialam.
“Dapat hindi nila hinihirang dahil ang CNA ay produkto ng partnership ng union at pamunuan. ‘Honeymoon contract’ nga iyan”, dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Alidon na ang halaga ng CAN incentive ay nakadepende sa savings ng isang ahensiya. Bagama’t may legal na ceiling na P30,000, ang DepEd ay nakapagbigay ng P10,000 noong nakaraang taon, na aniya ay kauna-unahan sa kasaysayan ng kagawaran.
“Dahil sa leadership ni Secretary Sonny Angara, nagkaroon tayo ng P10,000. Hiling naming ngayon, itaas pa ito sa P15,000 para sa non-academic personnel,” sabi ng abogado.
Kinumpirma rin niyang may mga benepisyong natatanggap ang non-teaching personnel kahit hindi sila miyembro ng union, ngunit kailangan bawasan ng agency fee bilang mandato ng Executive Order 180.
Inilahad pa ni Alidon na may ilang tanggapan umano sa ibaba ang hindi nagri-remit ng savings sa Central Office, dahilan para malimitahan ang pondo sa CNA incentives.
Kung hindi maobliga ang pondo bago mag-December 31, awtomatiko itong magre-revert sa National Treasury.
Sa kabuuang 65,000 non-teaching personnel sa bansa, 58,900 ang kasalukuyang miyembro ng unyon.
Ayon kay Alidon, hindi pa sila nagsisimula ng panibagong membership campaign dahil boluntaryo ang pagsali.
Tinukoy din ni Alidon na ang National Congress ngayong taon ang pinakamalaki dahil hindi sila nakapagsagawa ng cluster assemblies, kaya dito na ibinuhos ng mga miyembro ang pagdalo.
“Simple lang ang apela naming, kung may CNA na at kulang na lang ang lagda, huwag n’yo nang harangin. Hayaan n’yo ang mga tao na iratipika ito,” pahayag ni Alidon.
Dagdag pa niya, ang CNA ang nagtitiyak na ang mga non-teaching personnel ay makatatanggap ng insentibo na nararapat sa kanila, miyembro man o hindi ng unyon. (Arnold Pajaron Jr)
