Bumisita si Education Secretary Sonny Angara sa Moonwalk Elementary School at Talon Elementary School sa Las Piñas upang obserbahan ang pagpapatupad ng School-Based Feeding Program at ARAL sessions sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mas matibay na learning recovery. Nakisama si Angara sa mga guro sa pamamahagi ng hot meals at tumutok sa mga tutorial na layong palakasin ang early-grade reading at suportahan ang mga batang nangangailangan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tumpak na datos mula sa mga paaralan upang makabuo ng epektibong interbensyon at gabayan ang polisiya. Sinabi rin ni Angara na lalo pang palalawakin ang mga programa sa susunod na taon sa pamamagitan ng makasaysayang 2026 education budget na nagpapalakas sa feeding, literacy recovery, at suporta sa mga paaralan sa buong bansa. (Larawan mula sa DepEd)
Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes ang pinaigting na kampanya ng administrasyong Marcos para sa learning recovery, kasunod ng pag-inspeksyon ni Education Secretary Sonny Angara sa pagpapatupad ng School-Based Feeding Program (SBFP) at Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) initiative sa dalawang pampublikong paaralan sa Las Piñas.
Personal na binisita ni Angara ang Moonwalk Elementary School at Talon Elementary School, mga paaralang kinikilalang nangunguna sa literacy gains at mahusay na implementasyon ng feeding services.
Ang pagbisita ay bahagi ng nationwide monitoring ng DepEd alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang pagbawi sa kakayahang bumasa at palakasin ang suporta para sa mga batang nangangailangan.
Sa inspeksyon, tumulong ang kalihim sa pamamahagi ng hot meals, nag-obserba ng ARAL sessions, at nakipagdayalogo sa mga guro upang makakalap ng datos at praktikal na insight na maaaring palawakin sa iba pang dibisyon.
“Kailangan nating marinig ang mga kwento sa bawat paaralan. Kapag malinaw ang datos mula sa baba, mas tama ang suporta mula sa taas. Dito natin nakikita kung ano ang talagang gumagana para sa mga bata,” ani Angara.
Ang Moonwalk ES, na kinilalang 2nd Best SBFP Implementer sa dibisyon, ay may 789 feeding beneficiaries ngayong school year at naglunsad ng ARAL tutorials noong Setyembre. Kinilala ang kanilang inobasyon sa pagsasanib ng reading sessions sa feeding program, na nagpalakas sa attendance at reading stamina ng mga batang pinaka-nanganganib maiiwan.
Nagtala rin ng 1:11 tutors-learner ratio sa paaralan, isang positibong indikasyon ng epektibong tutok para sa struggling readers.
Samantala, nanguna ang Talon ES sa Las Piñas Schools Division Office dahil sa mahusay na performance sa National Achievement Test. Mula sa 575 ARAL learners noong simula ng taon, bumaba ang bilang sa 233 matapos ang mid-year assessment, na indikasyong 71% o 342 learners ang naka-exit sa programa matapos maabot ang grade-level reading proficiency.
Ang pag-angat ay iniuugnay sa maayos na estruktura ng morning at midday ARAL sessions, tuloy-tuloy na monitoring, at nakalaang learning spaces para sa uninterrupted literacy work.
Sinabi ni Angara na palalawigin pa ang mga programang ito sa ilalim ng 2026 budget.
Itinaas ng Senate-approved General Appropriations Bill ang School MOOE sa PhP60.89 bilyon mula PhP49.76 bilyon upang palakasin ang araw-araw na operasyon ng mga paaralan at magbigay ng lokal na tugon sa learning gaps.
Samantala, nasa PhP28.66 bilyon ang SBFP, sapat upang gawing universal ang feeding para sa Kindergarten at Grade 1 sa susunod na taon. Papahabain din ang feeding duration sa 200 days, habang ang targeted feeding ay sasaklaw sa Junior High School at Senior High School learners na severely wasted o wasted, pati adolescent pregnant learners.
Pinalalakas ng 2026 budget ang nutrisyon ng mga bata at lokal na agrikultura. Direktang kukunin mula sa mga lokal na magsasaka ang gatas, habang ang pagkain ay manggagaling sa DOST-FNRI–certified suppliers upang masigurong may tuloy-tuloy na demand para sa mga produkto ng kooperatiba at lokal na industriya. Muling nanawagan din si Angara na amyendahan ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act (RA 11037) upang mapalawak ang saklaw, palawigin ang feeding days, magtatag ng Central Kitchens, at gawing mas siguradong ang supply chain.
Kaakibat nito ang direksyong itinatakda ng Tatak Pinoy Law (RA 11981), na layong pataasin ang halaga at antas ng produktong Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalakas ng lokal na industriya at kooperatiba. Idinugtong ni Angara na nakaugat din ito sa Agriculture and Fisheries Modernization Act (RA 8435) na isinulong ng kanyang ama, ang yumaong Senador Ed Angara, na naglatag ng modernong sistema sa agrikultura na ngayon ay pinakikinabangan ng mga programang tulad ng SBFP.
Papalawakin din ang ARAL sa pamamagitan ng dagdag na budget para sa learning resources, training at kompensasyon ng tutors, at mas matibay na monitoring.
Binanggit din ni Angara ang mahalagang papel ng LGU sa pagpapatatag ng mga proyekto, lalo na sa bagong Joint Circular sa Special Education Fund (SEF) na nagbibigay-daan para pondohan ng mga LGU ang early-grade literacy, feeding, at academic recovery programs.
“Mas lumalawak ang puwedeng pondohan ng LGU para sa edukasyon. Hindi na kailangang maghintay ng tugon mula sa national, dahil sa lokal pa lang, puwede nang maibigay ang mabilis at angkop na serbisyo,” aniya.
Habang papasok ang 2026, tiniyak ni Angara na patuloy na rerepasuhin ng DepEd ang program implementation, titiyakin ang tamang datos mula sa mga paaralan, at mas maraming paaralan ang makatatanggap ng suporta para sa attendance, nutrisyon, at foundational skills ng mga bata.
