Nanawagan si Senator Win Gatchalian sa Department of Economic Planning and Development (DepDev) na taasan ang bilang ng mga proyektong aprubado ng mga Regional Development Councils (RDCs) upang maiwasan ang tinatawag na “budget insertions” at matiyak na sistematiko ang proseso ng pambansang budget.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang mga RDC ang nagsusuri ng mga proyekto upang tiyakin na tugma ito sa pambansang layunin ng kaunlaran bago maisama sa National Expenditure Program (NEP), na siyang batayan ng General Appropriations Act (GAA).
“Ang nangyayari kasi, shino-shortcut ang proseso, and this is where the problem comes in because some of those projects do not have feasibility studies and detailed engineering designs,” giit ng senador.
Ayon kay Gatchalian, kapag mas mataas ang approval rate ng RDC-endorsed projects, mahihikayat ang mga lokal na pamahalaan na sumunod sa tamang proseso imbes na dumiretso agad sa GAA.
Samantala, inamin ni DepDev Secretary Arsenio Balisacan na isa lamang sa bawat tatlong proyekto sa NEP ang dumaan sa RDC approval.
“If we can improve the batting average, people will be encouraged to go through the process,” dagdag ni Gatchalian. (MINA PADERNA)
