January 23, 2025

Dating senator Ramon Revilla Sr. pumanaw na, 93

KAHAPON nga ay pumanaw na ang kilalang ‘agimat’ sa showbiz at dating politician,  movie producer at film icon na si dating Senator Ramon Revilla Sr.

Ito ang kinumpirma ng kanyang anak na si Senator Ramon Bong Revilla Jr.

“Wala na ang tatay ko, please pray for him” malungkot na ibinalita ni Bong sa kanyang Facebook live habang umiiyak ang kanyang pamilya.

Pumanaw ang nakatatandang Revilla dahil sa heart failure dakong alas-5:20 ng hapon nitong Biyernes, ayon sa opisina ni Bong.

Ilang linggo nang nakaratay sa ospital ang 93-anyos na si Revilla Sr. matapos na isugod noong nakaraang buwan sa pagamutan dahil nahirapang huminga.

Makalipas ng ilang araw, sinabi ni Bong na bumuti ang kaniyang kondisyon ng kaniyang ama at hindi na kinailangang isailalim sa angioplasty at inalis na sa  ventilator.

Pero nitong Huwebes, inihayag ng Bong na maselan pa rin ang kalagayan ng kaniyang ama at patuloy siyang humingi ng panalangin.

Ito rin ang kinumpirma ng anak ni Ramon at 2nd District Representative Strike Revilla sa balita.

“Maraming salamat sa lahat, Daddy . I may no longer be able to hug you when I need comfort or talk to you when I need inspiration, but you will never be forgotten. You will live in my heart forever, and in the hearts of everyone whose lives you had touched. Mahal na mahal ka namin ,” ani ni Strike.

Nagpaabot na rin ang pakikiramay ang Malacañang sa pamilya Revilla.

“We share the grief of the Revilla clan, and as tributes pour to honor the life and legacy of this respected movie icon and public servant, we pray that the Almighty grant Mr Revilla eternal repose,” saad ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Unang sumabak sa pagtakbong senador si Revilla noong 1986 elections pero natalo nang gamitin niya sa pagkandidato ang tunay na pangalang Jose Baustista.

Nang muli siyang tumakbong senador noong 1992, ang pangalan na niya sa pelikula ang kaniyang ginamit at nagwagi.

Bilang senador, pinamunuan ni Ramos Sr., ang Senate Public Works Committee at naging may-akda ng Republic Act 8150, o Public Works and Highways Infrastructure Program Act of 1995.

Natapos ang dalawang termino niya bilang senador noong 2004.

Bago pumasok sa showbiz at pulitika, naging intelligence officer din muna sa Bureau of Customs si Don Ramon mula 1965 hanggang 1972.

Mula sa pagiging extra sa pelikula, naging bida at malaking pangalan sa Philippines movie industry si Ramon bilang isang action star.

Nakilala siya bilang si “Agimat” dahil sa mga pelikula niya na may kaugnayan sa mga karakter na may anting-anting.

Kabilang sa mga pelikulang ginawa niya na naging markado sa mga Pinoy ay ang “Nardong Putik” noong 1972, na naging daan ng kaniyang tuluyang pagsikat.

Nagtayo rin siya ng sariling film production house, ang “Imus Productions,” at ginawa ang mga pelikulang gaya ng “Pepeng Agimat. ” Ang “Hulihin si Tiyagong Akyat,” na nagpanalo sa kanya ng FAMAS Best Actor award noong 1973.

Kabilang pa sa mga pelikula na kaniyang ginawa na kasama ang tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino na si ‘Da King’ Fernando Poe, Jr., ay ang “Iyo ang Tondo, Kanya ang Cavite” noong 1986, at “Sierra Madre” noong 1981.

Taong 1979 nang makuha niya ang mga pagkilalang Most Outstanding Actor at Box Office King, at ibinigay rin sa kanya ng 33rd Catholic Mass Media Awards noong 2011 ang Lifetime Achievement Award.

Kilala rin si Revilla sa showbiz industry dahil sa dami ng kaniyang mga anak na pinaniniwalaang aabot sa 80.