May 18, 2024

DALAGITA, 160 BESES TINIKMAN NG STEPDAD

HINDI na nakapalag pa nang arestuhin ang isang 36-anyos na lalaki na gumahasa umano ng 160 beses sa 15-anyos nitong stepdaughter sa Barangay Naguilattan, Penablanca, Cagayan.

Kinilala ang suspek na si Michael Datul Marcos, 36 anyos, na residente sa naturang lugar at tinaguriang Top Most Wanted Person o TMWP sa Region 2.

Nadakip si Marcos sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Lyliha Abella Aquino ng RTC Branch 4 ng Tuguegarao City.

Sa record ng korte, mula noong Setyembre 2019 habang 13-anyos pa lamang ang biktima ay sinimulan na itong gahasain ni Marcos. Halos apat na beses umano sa loob ng isang linggo kung pagparausan ang biktima ng suspek.

Tumagal ang panghahalay hanggang Hunyo 25, 2020. Ang ina ng biktima ay nagtatrabaho sa ibang bansa.

Matagal umanong inilihim ng biktima ang nangyayari sa kanya dahil palagian itong tinatakot na papatayin kapag nagsumbong. Noong Hulyo 2020, hindi na nakatiis ang biktima at nagsumbong ito sa kanyang tiyahin at nagreklamo na sa mga awtoridad. Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na walang kaukulang piyansa.