May 3, 2024

CRIMINOLOGY STUDENT INUNDAYAN NG SAKSAK, PATAY (Dahil sa nakaparadang motor)

PATAY ang isang criminology student habang sugatan naman ang kanyang nakakatandang kapatid at tiyahin matapos pagsasaksakin ng lasing na tricycle driver sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot sanhi ng tinamong saksak sa dibdibd si Junel Talan, 20, habang ang kanyang kapatid na si Joshua, 22, at tiyahin na si Angelica Debulos, 47, pawang ng Block 39 Lot 8 Salaysalay St. Brgy 12 ay ginagamot sa Caloocan City Medical Center sanhi ng sugat sa pisngi at ulo.

Ipinag-utos naman ni Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina Jr, ang manhunt operation kontra sa suspek na kinilalang si Matias Avenido, Jr, nasa hustong gulang ng Block 9 Lot 9 Phase 3 Salaysalay St. na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat, minamaneho ng lasing na suspek ang kanyang tricycle dakong alas-9:20 ng gabi nang mairita ito makaraang hindi siya makadaan sa eskinita sa Salaysalay St., dahil sa nakaparadang mga motorsiklo sa harap ng bahay ng mga biktima.

Pinagbalingan umano ng galit ng suspek ang kapatid ng biktima na si Jefferson Talan, na nagpaliwanag naman na hindi sa kanila ang nakaparadang mga motorsiklo na nagresulta ng kanilang pagtatalo hanggang sa magsuntukan.

Tinangka namang awatin ng mga biktima ang dalawa subalit, naglabas ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang magkapatid bago pinalo sa ulo ng kahoy si Debulos.