Walang nakikitang dahilan ang Commission on Human Rights (CHR) upang magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ukol sa umano’y nawawalang pondo ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Correctional Institution for Women (CIW), kasunod ng mabilis na aksyon na ipinatupad ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay Atty. Kathleen Kindipan, Attorney IV ng CHR-NCR, ginawa niya ang pahayag sa ginanap na diyalogo sa pagitan ng mga kinatawan ng BuCor, CIW, at CHR sa tanggapan ng CIW sa Mandaluyong City.
Isinagawa ang naturang diyalogo sa kahilingan na rin ng CHR upang suriin kung kinakailangan pa ng hiwalay na pagsisiyasat sa usapin.
Paliwanag ni Kindipan, walang natanggap na pormal na reklamo ang CHR laban sa CIW kundi mga ‘anonymous’ na ulat lamang.
Binigyang-diin din nito na walang malinaw na paglabag sa karapatang pantao dahil mismong ang pamunuan ng BuCor na ang nagpasimula ng imbestigasyon at naglagay sa floating status sa mga sangkot na opisyal at kawani upang hindi maimpluwensyahan ang pagsisiyasat.
“May paglabag lamang kung walang aksyon. Sa ngayon, babantayan natin ang kaso, hihingi ng mga update, at magbibigay ng mga rekomendasyon ukol sa sistema sa paghawak ng pondo ng mga PDL,” ayon kay Kindipan.
Samantala, tiniyak ni BuCor Deputy Director General for Administration Asec. Al Perreras—na kumatawan kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.—na bukas ang CIW at iba pang pasilidad ng BuCor sa anumang pagbisita ng CHR anumang oras.
Inanyayahan din ni Perreras ang CHR na lumahok sa imbestigasyon upang ipakita na walang itinatago ang kawanihan.
Tiniyak pa ng opisyal na bukod sa mga kasong administratibo, sasampahan din ng kaukulang kasong kriminal ang mga mapapatunayang nanagutan sa nawawalang pondo kapag natapos na ang imbestigasyon.
“Mawawalis ang mga dapat mawalis dahil ayaw naming masayang ang mga pagbabagong nasimulan na namin sa BuCor dahil lamang sa insidenteng ito. Sisisiyatin namin ito nang walang kinakatakutan o pinapaboran,” giit ni Perreras.
