Dalawang linggo nang balisa ang mga magulang ng isang 14-anyos na binatilyo matapos itong mawala kasama ang tatlo pang kapwa menor de edad sa bayan ng Ragay, Camarines Sur.
Kinilala ang nawawalang binatilyo na si Vincent Luna. Ayon sa kanyang inang si Nancy Luna, huling nakitang naglalaro ng skateboard ang kanyang anak noong Agosto 18 sa Barangay Poblacion Iraya sa naturang bayan.
Batay sa salaysay ng mga kalaro ni Vincent, inimbita umano ito ng isang 13-anyos na dalagita na sumama sa kanya. Niyaya rin ng naturang dalagita ang dalawa pang batang lalaki na nagkakaedad ng 13 at 10.
Nanawagan at nakiusap si Nancy na maikalat ang larawan ng kanyang anak upang mas mabilis itong matagpuan at makabalik nang ligtas sa kanilang tahanan.
Samantala, inihayag ng Ragay Municipal Police Station na may mga natatanggap na silang intelligence reports na posibleng nasa lalawigan ng Quezon ang apat na kabataan.
Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang agad na mahanap at ma-rescue ang mga nawawalang bata.
