Matapos lang ang mahigit isang buwan mula nang muling mahalal, natanggal na sa puwesto si Senate President Chiz Escudero nitong Lunes, Setyembre 8, kasabay ng mainit na imbestigasyon ng Senado sa mga maanomalyang flood control projects na konektado umano sa isa sa pinakamalaking campaign donor niya.
Ayon kay bagong Senate President Tito Sotto, suportado siya ng 15 senador sa pagpapalit ng liderato. Kinumpirma rin ni Sotto na pumayag na si Escudero na bumaba sa puwesto matapos ang kanilang pag-uusap.
Itinalaga si Senator Ping Lacson bilang Senate president pro tempore kapalit ni Jinggoy Estrada, habang si Senator Migz Zubiri naman ang hahalili kay Joel Villanueva bilang majority leader.
Batay sa mga source, kabilang sa 15 senador na pumabor kay Sotto ang mga sumusunod:
• Tito Sotto
• Bam Aquino
• Pia Cayetano
• JV Ejercito
• Win Gatchalian
• Risa Hontiveros
• Ping Lacson
• Lito Lapid
• Loren Legarda
• Kiko Pangilinan
• Raffy Tulfo
• Erwin Tulfo
• Mark Villar
• Camille Villar
• Migz Zubiri
Nabunyag na si Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc., ay nagbigay ng ₱30 milyon bilang campaign contribution kay Escudero.
Ang kanyang kompanya ay kabilang sa Top 15 contractors na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nasa ikapito sa may pinakamalaking bilang ng kontrata.
Si Sotto, na Senate President mula 2018 hanggang 2022, ay una nang naghamon sa liderato ni Escudero noong pagbubukas ng ika-20 Kongreso.
Lumalabas na siya rin umano ang orihinal na pinili ni Marcos Jr. para sa puwesto, bagay na mas tumibay matapos siyang tumakbo sa administrasyon ticket noong midterm elections 2025.
Bago ang isyu ng flood control, binatikos si Escudero dahil sa umano’y delaying tactics sa impeachment trial ni VP Sara Duterte, at sa alegasyon ng multi-bilyong insertions sa 2025 budget, bagay na tinawag niyang “demolition job” mula sa Kamara.
Sa pagbagsak ng kanyang liderato, muling nanumbalik si Sotto sa pinakamataas na posisyon ng Senado, kung saan dati siyang nagsilbi ng apat na taon.
