Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Office of the Ombudsman na tanggalin sa serbisyo si Bradford Allen Lim So, dating head supervisor for operations ng Bureau of Immigration (BI), dahil sa pagkakasangkot sa kontrobersyal na “pastillas” scheme.
Sa ruling ng CA 8th Division na pinangunahan ni Associate Justice Nina Antonio Valenzuela, ibinasura ng korte ang petisyon ni So na kuwestyunin ang 2022 na kautusan ng Ombudsman. Natukoy siyang guilty sa grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Ang “pastillas” scheme ay tumutukoy sa ilegal na pagbibigay ng special treatment sa ilang VIP passengers, partikular na mga Chinese nationals, kapalit ng bayad na mula P10,000 hanggang P20,000. Ang mga pera umano ay inilalagay sa bond paper at iniabot na parang nakabalot na pastillas — dahilan kung bakit ito tinawag sa ganoong pangalan.
Mariing itinanggi ni So ang akusasyon ngunit giit ng CA, may bigat at pinal na dapat ituring ang naging desisyon ng Ombudsman. Wala ring nakitang dahilan ang korte upang kwestyunin ang pagsusuri ng mga administratibong ahensya.
“Public officers, as recipients of public trust, are under obligation to perform the duties of their offices honestly, faithfully, and to the best of their ability. Unfortunately, So failed in this respect,” nakasaad sa ruling.
Noong Marso 21, 2022, iniutos ng Ombudsman ang pagpapatalsik kay So sa serbisyo. Nabigo rin ang kanyang mosyon para muling repasuhin ang kaso noong Agosto 31, 2022, kaya’t dinala niya ang apela sa Court of Appeals.
Ipinaglaban ni So na mahina at hindi sapat ang pahayag ng whistleblower upang patunayan ang kanyang pakikipagsabwatan sa iba pang opisyal ng BI, subalit hindi ito pinanigan ng korte.
