November 5, 2024

BUWIS SA IMPORTED NA BABOY TINAPYASAN NI DUTERTE


NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ang executive order na pansamantalang magkakaltas sa buwis sa mga inaangkat na karne ng baboy mula sa ibang bansa.

Ito’y bilang tugon sa kakulangan ng supply at pagtaas ng presyo ng karne ng baboy sa Pilipinas.

Batay sa Executive Order (EO) No. 128, pasamantalang babawasan ang most favored nation (MFN) tariff sa fresh, chilled o frozen na karne ng baboy sa loob ng isang taon.

Ang EO ay pirmado ni Pangulong Duterte nitong Abril 7, 2021 at magiging epektibo ito sa sandaling mailabas sa Official Gazette o sa pahayagan na tatagal ng isang taon.

Batay sa EO, mula sa dating 30% in-quota tariff ay tatapyasin ito ng 5% sa unang tatlong buwan habang 10% naman simula ikaapat na buwan hanggang sa ika-12 buwan at makalipas ang isang taon ay ibabalik muli sa 30% na taripa.

Ang out-quota tariff naman na nasa orihinal na 40% ay gagawin na lamang 15% sa unang tatlong buwan habang 20% sa ikaapat na buwan hanggang sa ika-12 buwan at ibabalik sa 40% tariff pagkalipas ng isang taon.

Sinabi ng Pangulo sa EO na bibilang ng panahon bago makabawi at magkaroon ng sapat na supply at produksiyon ng karne ng baboy sa bansa kaya kailangang matugunan ang pangangailangan dito ng publiko.

Ito aniya ang dahilan kaya kailangang maibaba ang taripa sa mga inaangkat na karne ng baboy para maiwasan ang inflation at mabawasan ang hirap sa pagba-budget ng mga mamimiling mahilig sa karne ng baboy.