May 20, 2024

BULAG NA AMA PATAY SA SAKSAK NG LASING NA ANAK

PHOTO: DAVAO PNP


NAGAWANG patayin ng isang 19-anyos na anak ang kanyang bulag na ama sa Barangay Colonsabag, Matanao, Davao del Sur matapos pagalitan ng huli ang una dahil sa paglalasing nito.

Kinilala ang biktima na si Dalyanan Lingi, 38, na pinatay sa saksak ng sarili nitong anak na si Clifford Lingi, 19, sa bahay nila noong Miyerkoles ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Matanao police, pinagalitan umano ng biktima ang lasing na anak dahil sa paglalasing nito kaya nagalit ang suspek.

Habang pinapagalitan, kumuha ang suspek ng kutsilyo at sinaksak ang kanyang tatay na naging sanhi ng agad niyang pagkamatay.

Inamin naman ng suspek ang krimen at lubos ang pagsisisi sa nagawa sa kanyang ama.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na humaharap sa kasong parricide.