December 23, 2024

BREAKING: Mayor ng South Cotabato na nasa drug list ni Duterte, itinumba

PATAY makaraang tambangan ng riding-in-tandem si Sto. Niño, South Cotabato Mayor Pablo Matinong, Jr. nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa Sto. Niño police, naglalakad mag-isa ang 55-anyos na alkalde para bisitahin ang kanyang road concreting project sa nasabing bayan nang pagbabarilin ito sa ulo ng hindi pa nakikilalang mga salarin na nakasuot ng face mask.

Binalikan pa ng mga suspek ang nakabulagtang si Matinong at muling pinaputukan para tiyakin na wala na itong buhay saka tuluyang umalis. Sugatan din ang isang babaeng bystander nang tamaan ng ligaw na bala sa kaliwang balikat.

Agad na isinugod ang mga biktima sa Dr Luntao Clinic and Hospital pero hindi na umabot pa ng buhay ang nasabing alkalde. Kasalukuyan namang nagpapagaling ang 42-anyos na babaeng bystander.

“Possible motive of incident is personal grudge,” ayon sa pulisya.

Patuloy namang tinutugis ng Sto Niño ang mga salarin sa pamamaslang katuwang ang iba pang awtoridad.

Matatandaan dalawang buwan bago ang 2019 election, isinama ang pangalan ni Matinong sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa kalakaran ng ilegal na droga na mariin namang itinanggi ng alkalde.

Landslide rin ang kanyang naging pagkapanalo laban kay independent candidate John Villarin.

Wala ring naisampa na kaso na may kinalaman sa droga laban kay Matinong, ang pinakabagong opisyal na namatay sa drug list ni Duterte.

Taong 2018, nang barilin ng sniper si Mayor Antonio Halili ng Tanuan City, Batangas sa isang flag raising ceremony.