May 19, 2024

Mahilig silipan ang mga empleyada, sinita | BISOR SINAKSAK NG BOSERONG SEKYU

HIMAS-REHAS na ngayon ang isang guwardiya matapos saksakin ang kanilang seksi na bisor nang sitahin dahil sa bisyong pamboboso sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Jesie Lahoylahoy, 25, binata, ng M. Delos Reyes Street, Brgy. Gen T. De Leon, sa nasabing siyudad.

Inoobserbahan naman ngayon sa Metro North Medical Center and Hospital ang biktimang si Nora Paredes, 36, dalaga, ng 200 Magnolia St., De Castro Subdivision,  Brgy. Paso De Blas, Valenzuela City.

Ayon sa pulisya, dakong alas-5:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Bottal General Merchandise sa Pyramid Compound, Tatalon St., Brgy. Ugong, sa nabanggit na siyudad.

Sinita ng biktima si Lahoylahoy dahil sa umano ay bisyo nitong bosohan ang mga empleyada  ng kumpanya hanggang sa magtalo ang dalawa at sinaksak ng gunting sa likod at dibdib ang biktima.

Itinakbo si Paredes sa nasabing ospital kung saan siya nananatiling nakaratay habang dinampot si Lahoylahoy na sasampahan ng kasong  Frustrated Homicide sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.