Muling nasabak sa kontrobersiya ang Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos umalingawngaw ang mga alegasyong may ilang tauhan umano ng ahensya na kumukuha ng hanggang 70 porsiyento ng koleksiyong nakukuha sa pamamagitan ng Letters of Authority (LOA).
Lumutang ang paratang kasunod ng naunang iskandalo sa flood control funds, dahilan para tawaging bagong “teleserye” ang isyu dahil umano sa dramatikong paraan ng paglalantad nito.
Bagama’t maingay ang akusasyon, nananatili umanong walang pormal na reklamong inihain laban sa mga sinasabing sangkot. Wala ring sinumpaang salaysay o kasong isinampa sa anumang ahensiya ng gobyerno, ayon sa mga opisyal ng BIR.
Sa halip, inihain ang isyu para sa pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee, isang hakbang na kinuwestyon ng ilang sektor dahil tila mas inuuna umano ang “political spectacle” kaysa sa pagsunod sa wastong proseso.
Iginiit din na hindi dapat i-reduce ang BIR sa kontrobersiya ng LOA lamang. Sa dami ng rehistradong taxpayer sa bansa, maliit na bahagi lang anila ang sakop ng LOA issuance.
Araw-araw, gumaganap ang ahensya sa pagpapatupad ng tax laws, pagproseso ng returns, pag-audit sa high-risk taxpayers, at pagpapatupad ng compliance, mga tungkuling nagtitiyak ng pondo para sa mga programa ng pamahalaan.
Sa gitna ng mga batikos, muling binigyang-diin ang prinsipyo ng demokrasya na ang kalayaan ay kaakibat ng responsibilidad.
Ayon sa mga opisyal, sinumang may kaalaman sa katiwalian ay may karapatan at obligasyong magsampa ng kaso at magharap ng ebidensiya. Ang walang basehang paratang, lalo na kung inuuna sa media at hindi sa korte, ay nakasisira raw hindi lamang sa mga posibleng guilty kundi pati sa libo-libong matitinong kawani ng gobyerno.
Nagbabala rin ang ilang eksperto na ang pag-ikot ng mga alegasyon nang walang sapat na dokumento at proseso ay maaaring magpahina sa institusyon.
“Truth requires proof,” giit ng isang opisyal, sabay-diin na ang tunay na accountability ay nagsisimula sa faktwal at nasusuriang ebidensiya.
Habang nagpapatuloy ang usapin, umapela ang BIR at ilang sektor sa publiko at mga mambabatas na pairalin ang due process at huwag hayaang maging instrumento ang demokrasya sa pagpapakalat ng alegasyon na walang matibay na basehan.
Anila, ang demokrasya ay dapat gamitin nang may katumpakan, hindi bilang sandatang sumisira, kundi bilang mekanismong nagtataguyod ng katotohanan at hustisya.
