NASAWI ang isang na binatilyo matapos umanong saksakin ng kanyang kapwa menor de edad sa gitna ng alitan ng magkakaribal na grupo sa Silang, Cavite nitong gabi ng Oktubre 9, 2025.
Ayon sa ulat ng Silang Municipal Police Station (MPS), nangyari ang insidente bandang alas-9:30 ng gabi nitong Huwebes malapit sa Bulihan Sight Services Project Elementary School sa Barangay Ipil 1 ng nasabing bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, naglalakad umano ang biktima na si Ushaine, 15 taong gulang, kasama ang kanyang mga kaibigan, nang lapitan sila ng suspek na si Mark, kapwa 15-anyos, at sinigawan ng masasamang salita. Nauwi umano ito sa mainitang pagtatalo dahil sa alitang may kinalaman sa gang rivalry.
Sa gitna ng pagtatalo, bigla umanong bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak si Ushaine sa dibdib, na agad nitong ikinabulagta. Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang insidente.
Agad na isinugod ang biktima sa University Medical Center sa Dasmariñas City, ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician na si Dr. Ada Vianca P. Dy bandang alas-11:21 ng gabi.
Patuloy ang follow-up operation ng mga awtoridad upang madakip ang tumakas na suspek. Inihahanda na rin ang kasong kriminal na isasampa sa Office of the Provincial Prosecutor. (KOI LAURA)
