May 16, 2024

Binata arestado sa pang-aagaw ng cellphone ng ina

Swak sa kulungan ang isang tambay matapos sapilitang agawin ang cellphone ng kanyang ina sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Rolando Balasabas ang naarestong suspek na si Noel Masanque, 21 ng Blk 32, Lot 11, Lumang Pabahay Tanza 2 na nahaharap sa kasong Robbery with force upon things at Resistance and Disobedience.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong 2:40 ng hapon, tinuturuan ng biktimang si Melinda Masanque, 49, vendor ang kanyang apong babae gamit ang cellphone sa Gumamela St, Brgy. Tanza 2 nang dumating ang suspek at sapilitang inagaw ang cellphone bago tumakas.

Agad namang ni-report ng biktima ang insidente sa barangay outpost ng Tanza 2 kung saan mabilis na rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Gayunman, pumalag ang suspek at pinagmumura pa ang mga pulis saka gumawa ng gulo subalit, kalaunan ay nagawa rin itong maposasan at narekober sa kanya ang cellphone.