Ang walo pang minero na nasakote ng BI sa Isabela. (Kuha ni ARSENIO TAN)
Walong banyagang minero ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa isang operasyon noong Setyembre 23 sa Dinapigue, Isabela, makalipas lamang ang ilang araw mula nang mahuli ang siyam na dayuhan sa ilegal na pagmimina sa Masbate.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., kabilang sa naaresto ang pitong Chinese nationals at isang Taiwanese national sa isang mining site sa Sitio Dimakawal, Barangay Bukal Norte.
Batay sa ulat, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon na may mga dayuhang sangkot sa pagmimina ng tanso at ginto sa naturang lugar.
Isinagawa ang operasyon ng BI Intelligence Division Regional Intelligence Operations Units (RIOU) sa Cordillera Administrative Region, Region 2 at 3, kasama ang BI-ID Main Office, at katuwang ang Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation–Isabela District Office, Philippine Navy, Philippine Army, Dinapigue Isabela Police Station, at iba pang intelligence units ng pamahalaan.
Inilipat sa Maynila ang mga naarestong dayuhan para sa booking bago dinala sa BI detention facility sa Taguig, kung saan sila mananatili habang isinasagawa ang deportation proceedings.
“Ang mga dayuhang ito ay lumabag sa Philippine Immigration Act of 1940 dahil sa pagtatrabaho nang walang permit o visa, pagiging undocumented, at pakikibahagi sa trabaho sa labas ng kanilang petitioning company,” ayon kay Manahan.
Ang pagkakaaresto ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na pamamasok at pagnenegosyo ng mga banyaga sa bansa. (ARSENIO TAN)
