
TALISAY, BATANGAS — Apektado ang bentahan ng mga isda sa palibot ng Taal Lake matapos ang rebelasyong itinapon umano sa lawa ang mga bangkay ng nawawalang sabungero o mga manonood ng sabong na dinukot noong 2021.
Ayon sa ulat, kapansin-pansing bumaba ang demand para sa mga isdang gaya ng tawilis, na karaniwang mabilis maubos tuwing tanghali. Ngunit ngayon, umaabot na ng hapon bago makabenta ang mga tindera.
“Isang linggo na ho,” ayon kay Gemma Malibiran, isa sa mga tindera sa pamilihan ng Talisay, nang tanungin kung gaano na katagal naaapektuhan ang kanyang kita.
Nauna nang lumutang ang isang suspek sa kaso ng nawawalang sabungeros at nagpahayag ng kahandaang isiwalat ang buong katotohanan—kabilang ang umano’y pagpatay at pagtapon ng bangkay sa Taal Lake.
Dahil dito, nag-aalangan na ang mga mamimili na bumili ng isda mula sa lawa, sa takot na ang mga ito ay posibleng nakakain ng labi ng tao.
Tiniyak naman ni Malibiran na ang mga isdang ibinebenta ay ligtas:
“Mga alaga po kasi lahat ito. Kaya safe na safe.”
Gayundin ang pahayag ng kapwa niyang tindera na si Catherine Mendoza, na nagsabing kahit inaalok nila ang tawilis, tinatanggihan sila ng mga suki.
“Ayaw nilang bumili dahil apektado nga nung balita tungkol sa mga sabungero na itinapon,” aniya.
Bandang alas-kuwatro na ng hapon nang may isang mamimili ang tuluyang bumili sa kanya.
“Ayos naman ang isda,” pahayag ng mamimili, matapos makita ang kalidad ng paninda.
Bagama’t walang opisyal na kumpirmasyon kung ang mga bangkay nga ay nasa lawa, patuloy na naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda at tindera sa Batangas.
Umapela ang mga ito sa publiko na huwag pangunahan ang isyu habang patuloy ang imbestigasyon, at iginiit na ligtas pa ring kainin ang mga isda mula sa lawa lalo’t mga alagang isda ito mula sa fish cages, at hindi ligaw na huli.
