May 18, 2024

BEBOT PINULUTAN NG KAWALWALAN

LAKING pagsisisi ng isang 22-anyos na babae matapos makipag-inuman sa isang bagong kakilala na maintenance sa condominium building na tinirihan nito sa Malate, Manila na gumahasa sa kanya sa fire exit matapos ang sesyon ng inuman.

Kinilala ang naarestong suspek bilang si Francis Martin, 34, maintenance ng Imperial Tower Condominium sa Mabini Street sa nabanggit na lugar, at residente ng Blk. 56, Lot 9, Mabuhay Homes, Phase 2- E, Brgy. Dila, Sta. Rosa, Laguna.

Ayon sa salaysay ng biktima sa Manila Police District-Station 5, naganap ang panghahalay sa fire exit ng nasabing gusali dakong alas-3:00 ng madaling araw.

Napag-alaman na nakipag-inuman siya sa suspek kasama ang iba pang kakilala. Matapos ang kanilang inuman bumalik ang biktima sa kanyang condo unit at habang papasok ay bigla siyang hinatak ng suspek saka pinaghuhubaran saka sapilitang ginahasa at nang makaraos ay agad tumakas ang huli.

Matapos ang lahat, agad nagpasaklolo ang biktima sa Remedios Police Community Precinct upang magsampa ng pormal na magsampa ng reklamo na nagsagawa ng follow-up operation na ikinaaresto ng suspek na kinasuhan ng rape sa Manila Prosecutor Office.