ANTIPOLO CITY — Isang 23-anyos na babae ang brutal na pinaslang sa loob mismo ng kanyang inuupahang apartment sa Kalye Onse, Purok 2 Zone 8, Brgy. Cupang, Antipolo City nitong Linggo ng gabi, Hulyo 27.
Kinilala ang biktima na si Erika De Guzman, residente ng Villa Corazon sa nasabing barangay. Ayon sa paunang imbestigasyon ng Antipolo Component City Police Station (ACCPS), bandang alas-9:00 ng gabi, nagkukuwentuhan lamang si Erika at dalawang kaibigan sa loob ng kanyang unit nang biglang sipain ng suspek ang pintuan at agad siyang pagbabarilin.
“Walang sabi-sabi. Bigla na lang pumasok at pinaputukan ‘yung babae,” ayon sa isa sa mga nakasaksi.
Nagtamo ng matinding tama ng bala ang biktima at dead on the spot. Mabilis namang rumesponde ang mga pulis sa pangunguna nina PLTCOL Jaime Pederio Jr. at PCPT Ricarte Tangdol matapos makatanggap ng tawag mula sa barangay pasado alas-10:20 ng gabi.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang, habang patuloy ang paghahanap sa mga posibleng CCTV footage na maaaring magbigay-linaw sa pagkakakilanlan ng salarin.
Kasalukuyang nagsasagawa ng technical crime scene investigation ang Rizal Provincial Forensic Unit.
