May 12, 2024

BEBOT KINATAY NG MAGNANAKAW

NASAWI ang isang 26-anyos na babae matapos pagsasaksakin ng magnanakaw na sapilitang pumasok sa kanyang inuupahang apartment nang tangkain manlaban ng biktima sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Si Cristina Hipolito ay hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan habang ang suspek na kinilalang si Jerome Tayubong, 27 ng 149-D 11th Avenue Dormitory, Brgy. 90 ay agad namang nasakote bago pa magawang makatakas.

Lumabas sa imbestigasyon, habang nag-iisa ang biktima sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto sa 104 F. Roxas St. 11th Avenue, Brgy. 68, nang sapilitang pumasok ang suspek dakong alas-6:30 ng gabi at tinutukan siya ng patalim.

Hinalughog ng suspek ang mga gamit ni Hipolito, kabilang ang tatlong cellphones at sari-saring identification cards at nang tatakas na ito ay nanlaban ang biktima kaya’t pinagsasaksak siya ni Tayubong.

Napansin ng caretaker ng apartment ang kaguluhan kaya’t humingi ito ng tulong sa mga barangay tanod na si Wilbert Hilario at Manny Corpus na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nabawi sa kanya ang mga ninakaw na gamit habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan.

Ayon kay Caloocan police deputy chief for administration Lt. Col. Ilustre Mendoza, narekober ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ang ginamit na patalim habang iprinisinta naman ang suspek sa inquest proceedings sa kasong robbery with homicide sa Caloocan City Prosecutor’s Office.