May 19, 2024

BARANGAY VOLUNTEER PINAGSASAKSAK NG MENOR-DE-EDAD, TIGOK

ISANG barangay volunteer ang nasawi matapos pagsasaksakin ng isang menor-de-edad makaraan ang mainitang pagtatalo sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

          Hindi na umabot ng buhay sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang si Wilson Mabini, 39 ng Phase 6 Flovie Homes, Letre, Brgy. Tonsuya.

          Ipinag-utos naman ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao sa kanyang mga tauhan ang manhunt operation kontra sa suspek na isang alyas “Lorience”.

          Sa imbestigasyon nina PSSg Jeric Tindugan at PSSg Jose Romeo Germinal, alas-2:40 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Phase 8, Flovie Homes, Letre Brgy. Tonsuya kung saan nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang suspek.

          Sa kainitan ng pagtatalo, naglabas ng patalim ang suspek at pinagsasaksak sa katawan ang biktima bago mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ng kanyang pamilya si Mabini sa naturang pagamutan.

          Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung anu ang pinagmulan ng pagtatalo ng dalawa na nauwi sa pananaksak. (JUVY LUCERO)