May 14, 2024

Barangay chairwoman na sangkot sa pagpatay sa dating barangay captain, arestado

DINAKIP pulisya ang isang barangay chairwoman na sangkot di-umano sa pagpatay sa nakaupong barangay captain noong May ngayon taon sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang inarestong aksudao bilang si Jennifer Loquez, 45, Barangay Chairwoman ng Brgy. Tonsuya ng lungsod ng Malabon.

Sa report ni Col. Daro kay Northern Police District (NPD)  director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones, dakong alas-11:50 ng umaga nang arestuhin si Loquez ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon police sa pangunguna ni PCMS Edwin Castillo sa ilalim ng mga pangangasiwa ni PMAJ Patrcik Alvarado sa Sanciangco St., Brgy. Catmon.


Si Loquez ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Josie Rodil ng Regional Trial Court (RTC) Branch 293, Malabon City noong December 27, 2022 para sa kasong Murder.


Ani Col. Daro, si Loquez ang sinasabing nasa likod ng pagkamatay ng dating barangay captain ng nasabing barangay na si Felimon ‘Pilo’ Villanueva, 68, noong May 28, 2022.

Batay sa record ng pulisya, nakaupo sa harap ng kanyang bahay sa No. 1 C. Perez Street., Barangay Tonsuya si Villanueva dakong alas-9:35 ng umaga nang biglang lapitan ng isa sa dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo at ilang beses na pinaputukan sa katawan.
Dahil si Loquez ang Number 1 na ‘kagawad,’ awtomatikong pinalitan niya si Villanueva sa ilalim ng law of succession.