December 24, 2024

Barangay Chairman sa Batangas tinodas sa harap ng barangay hall

TAAL, BATANGAS – Dead on arrival sa ospital ang isang barangay captain nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek na lulan ng hindi naplakahan na motorsiklo ngayong araw sa Barangay Poblacion, Zone 10 ng nasabing bayan.

Kinilala ang biktima na si incumbent Barangay Chairman Erasmo Divino Hernandez, nasa hustong gulang at residente sa kaparehong lugar.

Base sa ipinadalang report ng mga imbestigador ng Taal Municipal Police Station sa Batangas Provincial Police Office isang tawag galing sa isang concerned citizen ang kanilang natanggap tungkol sa nangyaring insidente ng pamamaril na agad nilang nirespondehan.

Lumalabas sa imbestigasyon, nakaupo sa harap ng barangay hall ang biktima nang dumating ang dalawang hindi kilalang mga suspek at pinagbabaril ang una ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril patungo sa direksyon ng bayan ng Sta. Teresita.

Naisugod pa sa Lemery Doctors Hospital ang biktima subalit hindi na ito umabot pa ng buhay ayon sa mga rumespondeng doktor.

Ayon naman kay Batangas Police Provincial Director Police Colonel Samson B. Belmonte, nagsasagawa na ng technical at forensic investigation ang Scene of the Crime Operatives o SOCO at inilatag narin ang manhunt operations at Oplan Iron Curtain para mahuli ang mga posibleng suspek na pumaslang sa biktima.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung may kinalaman sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) ang nangyaring krimen. (KOI HIPOLITO)