May 2, 2024

Baby girl nahulog at nalunod sa ilog sa Navotas

NASAWI ang isang taon gulang na baby matapos aksidenteng mahulog at malunod sa ilog habang naglalaro sa palanggana na may tubig sa loob ng kanilang bahay sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Naganap ang insidente dakong alas-11:20 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima sa No. 69 Tagumpay St. Brgy. Tanza 1 Kaliwa subalit, naiulat sa pulisya bandang alas-6 ng gabi.

Lumabas sa isinagawang imbestigasyon, habang naliligo at naglalaro sa palanggana na may tubig ang biktimang si Elisha Isabelle Millar at nakakatanda niyang kapatid na babae nang aksidente umanong mahulog sa ilog ang baby.

Nang pumasok sa loob ng kanilang bahay ang ina ng biktima na si Rachel Zamora, 25, na naglalaba sa labas para kumuha ng ilang labada ay napansin niya na nawawala ang kanyang bunsong anak kaya’t humingi siya ng tulong sa kanilang mga kapitabahay.

Matapos ang masusing paghahanap, natagpuan nila ang baby sa ilalim ng tubig at sa kagustuhan na mailigtas ang anak ay mabilis siyang isinugod ng kanyang ina sa Malabon City Hospital subalit, idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.