July 2, 2025

Atty. Conti: Wala pang napapayagang mag-interim release sa ICC na nahaharap sa Crimes Against Humanity

Si Atty. Cristina Conti (kanan) habang sumasagot sa katanungan ng mga mamamahayag sa The Agenda Forum sa Club Filipino, kasama si Atty. Sigfrid Mison (kaliwa) bilang moderator.

Binigyang-diin ni Atty. Cristina Conti, Assistant Counsel sa International Criminal Court (ICC) at National President ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), na wala pang sinumang nahaharap sa kasong crimes against humanity o iba pang pangunahing krimen sa ilalim ng Rome Statute ang napayagang mag-interim release ng ICC.

Sa kanyang pahayag bilang kinatawan ng grupong Rise Up for Life and for Rights, sinabi ni Conti na bagaman may ilang detainees na pinayagang makalaya pansamantala ng ICC sa mga nagdaang taon—tulad nina Paul Gicheru, Aimé Kilolo Musamba, Jean-Jacques Mangenda Kabongo, Fidèle Babala Wandu, at Narcisse Arido—ang mga ito ay kinasuhan lamang ng offences against the administration of justice, at hindi ng mga core crimes ng Rome Statute gaya ng genocide, war crimes, o crimes against humanity.

Binanggit din ni Conti na ang Belgium, na ilang beses nang nagsilbing host country sa mga pansamantalang pinakawalan ng ICC, ay minsan na ring tumanggi sa isang kahilingan. Ang France at Democratic Republic of Congo (DRC) ay may karanasan din sa hosting, habang ang ICC ay may kasunduang hosting sa Belgium at Argentina.

Kaugnay ng inihaing petisyon para sa interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Conti na hindi pa isiniwalat ang mga redacted na detalye ng petisyon, kabilang ang bansang maaaring humalili bilang host, bunsod ng mga alalahanin sa seguridad.

“Mas mahalaga sa amin ang malaman ang mga kondisyon ng kanyang hinihinging paglaya, upang masuri kung sapat ba ang mga ito para maiwasan ang anumang banta sa mga testigo at integridad ng proseso,” pahayag ni Conti. Aniya, ilan sa mga biktima ay posibleng maging testigo sa paglilitis.

Kinilala ni Conti na may karapatan si Duterte na humiling ng interim release, subalit aniya, may mga “mabibigat na salik” na dapat isaalang-alang. Kabilang dito ang posibilidad ng obstruction of justice at ang maselang katangian ng mga kasong nakasampa laban sa kanya.

“Sinusuportahan namin ang malinaw at matibay na posisyon ng Office of the Prosecutor at ng Office of the Public Counsel for Victims, na siyang kumakatawan sa interes ng mga biktima sa ngayon,” dagdag ni Conti. Sa kasalukuyan, si Duterte ay nahaharap sa kaso sa ICC kaugnay ng malawakang patayan sa ilalim ng kampanya kontra droga noong kanyang administrasyon, na itinuturing ng mga kritiko at human rights groups bilang sistematikong pag-atake sa mga sibilyan.