
SA loob ng selda humantong ang pagsusugal ng dalawang lalaki matapos matimbog ng pulisya at makuhanan pa ng baril ang isa sa kanila sa Caloocan City.
Sa ulat, nagpapatrulya ang mga tauhan ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na naglalaro ng cara y cruz sa Macabalo St., Brgy. 36.
Hindi na nakapalag ang mga suspek na sina alyas “Arman”, 38, mekaniko, ng Dinalupihan, Bataan at alyas “Tunying”, 48, nang arestuhin sila ng mga tauhan ng East Grace Park Police Sub-Station (SS2).
Nasamsam sa kanila ang tatlong one-peso coins na gamit bilang ‘pangara’ at P500 bet money, habang nakuha naman ang isang improvised firearm ‘pen gun’ na kargado ng isang bala ng kalibre .38 kay alyas Arman.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kakaharapin pa ni ‘Arman’.
