
Sa layuning pabilisin ang pamamahagi ng mga naantalang plaka ng motorsiklo, pinangunahan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang isang motorcycle plate distribution event sa SM City North EDSA, Quezon City ngayong Biyernes, Agosto 8.
Ang aktibidad ay ginanap sa 5th Floor Parking Area ng naturang mall mula 3:00 p.m. hanggang 5:00 p.m., sa pakikipagtulungan ng Quezon City LGU sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte, SM Management, at LTO-NCR Director Roque Verzosa III.
“Ito ay pagpapatunay ng mabilis na aksyon at serbisyo kapag ang LTO at lahat ng sektor ay nagtulungan upang mabilis na maibigay ang mga plaka sa mga tunay na may-ari nito,” ani Asec Mendoza.
Ang pamamahaging ito ay bahagi ng nationwide plate distribution drive ng LTO matapos mabura ang backlog sa motorcycle license plates na nagsimula pa noong 2014, na umabot sa higit 12 milyong plaka.
Sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa pamumuno ni DOTr Secretary Vince Dizon, matagumpay na naresolba ang backlog sa unang kalahati ng administrasyon.
Kabilang sa mga hakbang ng LTO para mapadali ang proseso ang pagtatayo ng assistance desks at kiosks, pagdaraos ng information drives sa mga motorcycle hubs at parking areas, at ang pagpapatupad ng Palit-Plaka Program, para sa mga may lumang plaka at motorsiklong nakarehistro noong 2017 pababa.
Inatasan din ni Asec Mendoza ang lahat ng Regional Directors at District Office heads na makipag-ugnayan sa mga local government units, motorcycle rider groups, at TODAs upang mas mapalawak ang kaalaman at access ng publiko sa kanilang mga plaka.
“Masaya ako sa inisyatiba ng ating mga Regional Directors na gumawa ng kani-kaniyang paraan upang mapalapit ang serbisyo sa mga motorcycle owners,” dagdag pa ni Mendoza.
