Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglabas na ng arrest warrants ang Sandiganbayan laban kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co at 17 iba pang akusado kaugnay ng umano’y katiwalian sa P289.4-million flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa isang video message nitong Biyernes, Nobyembre 21, sinabi ng Pangulo na malinaw ang mandato:
“Ipapatupad na ang arrest warrants. Aarestuhin na sila, ihaharap sa korte, at pananagutin sa batas. Walang special na pagtrato, walang sinasanto.”
Kumpirmado rin ni Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang paglabas ng mga warrant.
Si Co at kanyang mga kasamahan ay nahaharap sa kabuuang tatlong kaso sa Sandiganbayan:
- Fifth Division: Paglabag sa RA 3019 Section 3(e) (Anti-Graft Law)
- Seventh Division: Paglabag sa RA 3019 Section 3(h)
- Sixth Division: Malversation of public funds
Ang mga kasong ito ay inihain ng Office of the Ombudsman noong Nobyembre 19 at may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa procurement at konstruksyon ng flood control project sa Mag-asawang Tubig River.
Lahat ng akusado ay tinamaan ng hold departure order (HDO) maliban kay DPWH Mimaropa official Juliet Calvo, na HDO lamang ang inilabas laban sa kanya.
Ibig sabihin, lahat ng akusado ay bawal nang umalis ng bansa — maliban kay Co na nasa abroad na.
Dahil dito, maaari nang hilingin ng mga awtoridad sa korte na ikansela ang passport ni Co. Kapag nangyari ito, maaari siyang maging undocumented alien at mawalan ng legal na basehan para manatili sa ibang bansa.
Kung makaiwas pa rin sa pagbalik ng bansa, posible ring humingi ang pamahalaan ng Interpol Red Notice, isang international alert para maaresto ang isang tao habang hinihintay ang extradition.
Si Co, na matagal nang contractor at founder ng Sunwest Construction, ay nasasangkot sa eskandalong flood control kung saan bilyon-bilyon ang nakuha umano ng kanilang kompanya habang siya ay nasa Kongreso bilang chairman ng appropriations committee.
Kamakailan, nagbato rin siya ng seryosong paratang laban kay Pangulong Marcos at dating Speaker Martin Romualdez, na itinanggi naman ng Malacañang.
Sa paglabas ng arrest warrants, iginiit ng Palasyo na determinadong panagutin ang mga sangkot:
“Walang sinasanto.”
