December 24, 2024

Ano ba ang maidudulot sa iyong katawan ng paliligo ng malamig na tubig? (Unang bahagi)

Ang paliligo ng malamig na tubig ay nagiging hamon sa atin sa pang-araw-araw.

Lumalabas sa pag-aaral na ang paliligo ng malamig na tubig pala ang pinaka-epektibong paraan upang mabawasan ang pananakit ng kalamnan,  pampawala ng pagod, pinsala sa muscle, at pamamaga matapos ang pisikal na pag-eehersisyo kaysa magpamasahe, balutan ng damit o anumang uri ng tela.

Kaya mas mainam kung maliligo ng may yelo o malamig pagkatapos ng nakapapagod na araw, lalo na ngayong mainit ang panahon sapagkat may magagandang benepisyo na makukuha rito.

Narito pa ang ilang magagandang epekto kung paaano ito makaaapekto at mapagagaling ang iyong katawan.

Una sa lahat: Ang paliligo ng malamig na tubig ay maganda para sa iyo, lalo na kung ikaw ay galing sa initan.

“Magiging maganda ang iyong pakiramdam, ang temperatura ng iyong katawan ay bahagyang baba,” ayon kay Doug Casa, PH.D., Chief Executive Officer ng The Korey Stringer Institute, na siyang isa sa gumawa ng pagsasaliksik upang maiwasan ang heatstroke. 

Pero ang nakagugulat na ang simpleng paliligo ng malamig na tubig ay nakababawas din pala ng timbang.

Ang malamig na tubig ay nagpapaaktibo ng brown fat na nakatutulong sa paglikha ng init sa katawan. Ang pagdagdag ng aktibidad ng “good” fat ay nakasusunog ng calories na nagpapa-init sa katawan, ayon sa napag-alaman ng The North American Journal of Medical Science.

Hindi lang iyan, pinapakita rin na ang paliligo ng malamig na tubig ay nakabibilis ng pagdami ng white blood cells na lumalaban sa iba’t ibang uri ng sakit, ayon pa sa pag-aaral. (Itutuloy)