Sabi nga, ang mantsa ng katiwalian, kahit sa simpleng pagkakadikit lamang sa mga taong iniuugnay dito, ay napakahirap nang alisin.
At iyon ang sumuklob kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na matapos lamang ang dalawang linggo, ay nagbitiw bilang special adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Hindi biro ang misyon ng ICI mga ka-Berdugo. Sila ang nagsisiyasat sa mga kuwestiyonableng proyekto ng imprastruktura sa nakalipas na dekada. Ngunit higit pa rito, ang hamon ay kung sino nga ba ang puwedeng paniwalaan ng publiko na may kakayahang mag-imbestiga nang walang bahid ng kompromiso.
Sa likod ng tinaguriang Floodgate scandal, lumutang ang mga larawan ng kasakiman na halos insultuhin ang katalinuhan ng taumbayan.
Habang ang mga tulay ay bumabagsak, kalsada’y butas-butas, at mga lungsod ay lumulubog sa baha eh patuloy namang lumolobo ang pambansang badyet taon-taon.
Ngunit sa harap ng galit ng bayan, halos wala nang politiko ang ligtas sa pagdududa. Maging si dating Senador Panfilo Lacson ay nasangkot sa bulung-bulungan matapos makunan ng litrato kasama ang contractor-couple na sina Curlee at Sarah Discaya kahit mariin niya itong itinanggi.
Ang punto, wala nang paniniwala ang publiko na may opisyal na tunay na hindi nadadamay sa kabulukan. Sa kapaligirang binabalot ng malisya, lahat ay pinaghihinalaan, lalo na kung ang katotohanan ay pilit na tinatabunan.
Sa pagbibitiw niya, malinaw ang hudyat ni Magalong na may mga natamaan siyang ugat. Tinukoy pa niya ang “Big 3.” Sila ‘yung mga pulitiko, opisyal ng DPWH at mga kontratista bilang pangunahing salarin. Mga pwe!
At marahil, mas masakit pakinggan ang kanyang sigaw: “My God, ganyan na ba tayo kawalanghiya ngayon?”
Ngunit ang higit na nakakapanghina ng loob, hindi lang pala mga ghost projects at flood-control deals ang problema. Mismong Department of Health ay iniulat na 200 lamang sa 600 health centers ang tunay na gumagana. Sa madaling salita, naglipana ang mga “haunted” health centers na hindi man lang napapakinabangan ng mamamayan.
Kung tutuusin, simple lang naman ang solusyon mga ka-Berdugo. Gamitin ang pera kung saan talaga ito dapat mapunta. Ngunit bakit tila isang imposibleng pangarap ang simpleng lohika? Naloko na!
Sa kabila ng lahat, ang pagbubunyag ni Magalong ay dapat magsilbing paalala na hindi matatapos ang laban sa katiwalian hangga’t walang tunay na mekanismo ng transparency at accountability. Kung kaya nga ba o hindi ng blockchain o ibang makabagong teknolohiya, iyon ay usapin ng political will.
At sa huli, nasa kamay pa rin nating mga Pilipino ang pasya, kung patatahimikin ba natin ang galit, o gagawin natin itong mitsa para tupukin ang bulok na sistemang matagal nang nagpapahirap sa bayan.
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861107 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
