May 2, 2024

Abueva pinagmulta, suspendido

Nagpataw ng multa at suspensiyon ang Philippine Basketball Association kay Magnolia Hotshots forward Calvin Abueva matapos magpakita ng dirty finger sa isang fan nitong huling laro kontra sa Barangay Ginebra San Miguel sa PBA Philippine Cup noong Easter Sunday.

Tumataginting na P20,000 na multa at one game suspension ang ipinataw kay Abueva kung saan nakita ang ginwang pag-dirty finger nito sa isang fan matapos ang banggaan nila ni Nards Pinto sa first quarter.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, napagdesisyunan ang parusa matapos ang meeting nila noong Miyerkules ng hapon.

“Si Calvin Abueva sinuspinde ko ng one game. One game suspension at P20,000 fine,” sabi ni Marcial sa halftime ng laro ng Meralco at Terrafirma noong Sabado.

“Kapag inulit niya pa ‘yun, sabi ko, dadagdagan ko ‘yung suspension niya, dadagdagan ko ‘yung fine niya. Sabi niya hindi niya na uulitin pa iyon. Pero tingnan natin,” dagdag nito. Dahil sa suspension, wala si Abueva sa laban ng Hotshots sa Sabado kontra NLEX sa Ninoy Aquino Stadium. RON TOLENTINO