May 20, 2024

ABOGADA ITINUMBA

PATAY ang isang abogada matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang lulan ng kanyang sasakyan sa Cebu City ngayong Huwebes.

Kinilala ni Danao City Police Staff Sergeant Alan Virtucio, ang biktima na si Baby Maria Concecpcion Landero-Ole.

Ayon sa ulat, dakong alas-2:50 ng hapon nang mangyari ang pamamaslang sa national highway sa Barangay Looc, Danao City.

Agad isunugod ang biktima sa ospital pero hindi na ito umabot pa ng buhay.

Ang pagpatay kay Landero-Ole ay makalipas ang anim na buwan nang patayin din ang asawa niyang si Juanito sa Danao City habang bumibili ng banana cue.

Kalalabas pa lamang daw ni Juanito mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nang mangyari ang pananambang.

Hindi binanggit ng pulisya ang kaso ni Juanito at bakit ito pinalaya. Bago ang pagpaslang kay Landero-Ole, nauna nang pinatay ang isa pang Cebu lawyer na si Joey Luis Wee habang patungo sa kanyang opisina noong Nobyembre 23.

Kinondena naman ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cebu City Chapter ang pamamaslang.