November 24, 2024

Para ‘di mabulabog ang mga estudyante sa online class… MAINGAY NA TAMBAY, VIDEOKE, INUMAN BAWAL

Kahit na kabaro hindi pinalalampas sa isanagawang checkpoint ng Manila Police District (MPD) sa Legarda St. Maynila upang mapanatili at mapayapa ang unang araw ng pasukan. (JHUNE MABANAG)

KASABAY ng pagbubukas ng klase ngayong Lunes, inatasan ng Joint Task Force COVID Shield ang lahat ng police commander na palakasin pa ang police visibility sa mga tambayan sa barangay na nakaaabala sa mga online learners.

Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt Gen Guillermo Eleazar, may presenya ng mga pulis sa mga komunidad para sawayin ang mga maiingay na tambay nang sa ganun hindi makaistorbo sa mga estudyante na nag-aaral sa bahay.

Nakipag ugnayan na rin ang JTF COVID Shield sa mga Local Government Units (LGUs) para istriktong maipatupad ang mga ordinansa katulad ng pag-iinuman sa mga labas ng bahay o kanto, pagbabawal sa pagbi-videoke lalo na sa oras na may online classes.

“Our local police personnel and barangay officials should work together to extend all the necessary assistance to make sure that our online learners would be able to concentrate on their study,” ayon kay Eleazar.

Giit ni Eleazar kailangan nila dito ang tulong ng mga Barangay officials para matulungan ang mga online learners na makapag focus sa kanilang pag-aaral kahit nasa bahay lang at umaatend sa online class.

Tig dalawang pulis ang idi-deploy sa bawat barangay para umasiste sa mga barangay tanod na siyang magpapatrulya sa mga kalye ng komunidad.

Sa panig naman ni PNP Chief Gen. Camilo Cascolan pinatitiyak nito ang police visibility sa mga paaraalan at ang pagtalaga ng mga help desk na mamanduhan ng dalawang police personnel.

Nakatutok din sa ngayon ang PNP Anti-cybercrime na nagpapatrulya sa cyber space para tutukan ang mga cyber-bullying cases.