December 23, 2024

41 COVID PATIENTS SA LAS PIÑAS, GUMALING NA

Dahil sa puspusang pagtugon ng Las Piñas Government sa mga kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), naitala ngayong araw,June 23,2020, ang apatnapu’t isa (41) na pasyenteng gumaling sa virus,ang pinakamalaking bilang ng recovery cases sa lungsod.
Masayang ibinahagi ni Mayor Imelda “Mel” Aguilar ang panibagong pagkakatala ng mga pasyenteng gumaling sa sakit kung saan umabot na aniya sa kabuuang 275 recoveries sa buong siyudad.
“Tuluy-tuloy ang ating lokal na pamahalaan sa kanyang mga hakbang na tugunan ang mga COVID cases at mapigilan ang pagkalat ng virus sa lungsod,” sabi ni Mayor Mel Aguilar.
Ayon pa sa alkalde,ang mga nakikitang factors  o dahilan kaya mabilis ang pagbuti ng lagay ng COVID cases sa lungsod ay dahil sa mga inilatag na health protocols ng Las Piñas Government kasama na rito ang paglalagay ng mga converted isolation facilities kaya agad naihihiwalay aniya ang mga nagpositibo at mga nagpakita ng sintomas ng sakit,binibigyan sila ng masusutansiyang pagkain, gamot, at wastong pangangalaga habang nakaquarantine,paglilipat sa tertiary hospital kung may iba pang sakit ang pasyente at ang tuluy-tuloy na Expanded Targeted Testing na isinasagawa sa lungsod.
Inihayag ni Las Piñas City Health Office (LPCHO) chief, Dr. Ferdinand Eusebio,na apatnapu’t isa (41) na pasyente ang nakarekober sa virus.
Kabilang aniya sa mga gumaling na pasyente ay mula sa mga Barangay Almanza Uno, Almanza Dos, CAA, Daniel Fajardo, Manuyo Uno, Manuyo Dos, Pamplona Tres, Pilar, Elias Aldana, Pulanglupa Uno, Pulanglupa Dos, Talon Dos at Talon Kuwatro.
Ayon sa LPCHO, nasa 428 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19,275 rito ang gumaling o nakarekober na sa sakit, 33 ang nasawi, 120 active case, 45 sa probable at  43 naman sa suspect.
Idinugtong pa ni Dr. Eusebio na malaking tulong din ang isinasagawang mas maigting na screening at contact tracing sa mga residenteng posibleng nakasalamuha o na-expose sa mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19.
Patuloy aniya ang lokal ng pamahalaan sa pagbibigay ng mga pangangailangan ng mga pasyente na nakaquarantine sa isolation facility  sa LIGTAS for COVID Center sa Las Piñas  sa Barangay Daniel Fajardo at handa na rin ang LIGTAS for COVID Center na nasa Golden Acres Subdivision, Barangay Talon Uno.
Nagpapatuloy din ang isinasagawang rapid at swab testings sa mga suspected COVID cases sa lungsod upang matiyak  ang seguridad sa kalusugan ng mga Las Piñeros sa panahon ng krisis.
Kabilang sa mga sumalang na sa testings ang mga health care workers, mga kawani ng city hall, BJMP personnel, mga tauhan ng Las Piñas City Police, barangay workers, mga guro, iba pang frontliners, pedicab at tricycle drivers sa lungsod.
Kahapon, June 22,2020, naitala rin ang paggaling ng 18 pasyente sa naturang sakit. Pinalakas din ng Las Piñas City Police  ang police visibility nito sa mga istratihikong lugar at 24-oras na pagpapatrolya upang tiyaking nasusunod ng mga residente ang health protocols kabilang ang pagsusuot ng face mask, physical distancing at curfew hours mula sa 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw. (Danny Ecito)