MAS matinding pagsubok at mas mahirap na taon ang posibleng kaharapin ng mga Pilipino sa 2027 matapos kumpirmahin ng liderato ng sektor ng negosyo na pumasok na sa stagflation ang ekonomiya ng bansa.
Ito ang matinding babala ni incoming Management Association of the Philippines (MAP) President at dating Interior Secretary Rafael Alunan III, kasabay ng panawagan sa buong business community na magkaisa na upang sagipin ang bumabagsak na ekonomiya.
Ayon kay Alunan, ramdam na ang pagbagal ng paglago ng ekonomiya na bumagsak na lamang sa 2.1 porsyento, malayo sa naunang taya na 4 hanggang 5 porsyento, dahil sa mga eskandalo sa imprastraktura at patuloy na pagsipa ng presyo ng mga bilihin o inflation.
BASAHIN: BARMM LGUs, nakabuo ng mga panukalang proyekto kontra climate change sa tulong ng DOF
Nagbabala rin ang opisyal na kung magpapatuloy ang krisis—na pinalala pa ng Super El Niño at mga giyera sa Iran at Ukraine—ay baka mauwi sa galit at problema sa peace and order ang nararanasang gutom ng taumbayan.
Upang maampat ang paglala ng sitwasyon sa nalalabing isang taon ng administrasyong Marcos, iginiit ni Alunan na dapat i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng kuwestiyonableng budget insertions para sa 2027, pabilisin ang pag-usig sa mga sangkot sa korapsyon, at pababain ang gastos sa pagnenegosyo sa bansa.
Nanawagan din siya ng tinatawag niyang “national reset” sa pag-uugali ng mga Pilipino at pagbabalik ng prinsipyo na “bayan muna bago sarili”—kasabay ng paggising sa mga botante laban sa kontrol ng mga political dynasties upang makapili ng mga lider na may tunay na integridad at kakayahang mamuno sa susunod na halalan.
