WALA pang dalawang minuto ay agad na tinapos ng Senado ang deliberasyon sa panukalang P785.24-milyong pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa taong 2027, kasunod ng personal na pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa plenaryo.
Bandang ala-1:00 ng hapon nang dumating sa Senado si Duterte upang saksihan ang pagtalakay sa budget ng kanyang tanggapan, matapos na hindi siputin ang committee hearing noong Oktubre kung saan tanging ang kanyang Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez ang humarap.
Pagpasok sa plenaryo, mainit na sinalubong at kinamayan ang Bise Presidente nina Senate President Win Gatchalian, Senate Majority Leader Migz Zubiri, at Senate President Pro Tempore Tito Sotto.
Nakita ring nakipagkamay, nakipagkwentuhan, at nakipagtawanan si Duterte sa kanyang mga kaalyadong sina Senador Robin Padilla—na nag-bow pa sa kanya—at Senador Bong Go.
Inilatag ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito ang P785,240,000 budget ng OVP para sa 2027, na mas mababa ng 11 porsyento kumpara sa P889-milyong pondo nito ngayong 2026.
BASAHIN: 15TH OFW AND FAMILY SUMMIT 2026, IDARAOS NGAYONG ARAW SA LAS PIÑAS; LIBRENG SERBISYO AT PAGKAKATAONG PANGKABUHAYAN, HATID SA MGA OFW AT KANILANG PAMILYA
Ayon kay Lopez, nag-recalibrate sila ng mga programa at tututok na lamang sa pag-monitor at pag-evaluate sa mga benepisyaryo ng kanilang mga naunang livelihood projects.
Bilang tradisyonal na kortesiya sa tanggapan ng Bise Presidente, wala nang senador ang nagtanong pa kaya agad na inihain ang mosyon upang ideklarang “deemed submitted” ang pondo ng OVP.
Samantala, nang abangan ng media paglabas ng plenaryo upang hingan ng pahayag at assessment hinggil sa kanyang nagpapatuloy na impeachment trial—at kung dadalo ba siya rito—tikom ang bibig ni Duterte at maikling pagbati lamang na “Merry Christmas” ang kanyang ibinigay.
Inaasahan namang magpapatuloy ang impeachment trial ng Bise Presidente sa Disyembre 1 o 2, pagkatapos ng budget deliberations, kung saan nakatakdang magprisinta ang kampo ng depensa ng apat hanggang anim pang testigo bago isara ang kanilang presentasyon.
