Ipinag-utos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director Police Brigadier General Christopher Abrahano sa lahat ng police units at istasyon sa buong Metro Manila na paigtingin ang police visibility at pagpapatrolya sa mga residential areas upang mapigilan ang krimen at matiyak ang kaligtasan ng bawat pamilya.
Layunin ng direktiba na ilapit ang presensya ng mga pulis sa komunidad—lalo na sa mga subdivision, barangay, at mga loobang kalsada—kung saan mahalaga ang mabilis na pagresponde upang hindi na lumala pa ang mga away-kapitbahay.
Giit ni Abrahano, hindi lang dapat sa mga commercial centers, business districts, at pangunahing lansangan nakikita ang mga alagad ng batas kundi maging sa mismong mga lugar na tinitirhan ng mga mamamayan.
“Our police presence must be felt where people live and go about their daily lives. We want our personnel out on the streets, conducting regular patrols, engaging residents, and responding promptly to concerns. Every community deserves to feel safe and protected, not only in commercial centers but also in their own neighborhoods,” pahayag ni Abrahano.
Inatasan ang mga pulis na palakasin ang foot at mobile patrols, makipag-ugnayan nang husto sa mga opisyal ng barangay, barangay tanod, at homeowners’ associations, at magtayo ng mas mabilis na linya ng komunikasyon para agad matugunan ang mga sumbong.
BASAHIN: 2 kasambahay nabudol-budol arestado; P3.55-M pera, alahas natangay
Hinikayat din ng hepe ng NCRPO ang publiko na manatiling alerto, i-report ang mga kahina-hinalang kilos o indibidwal, siguruhing nakakandado ang kanilang mga tahanan, at iwasan ang komprontasyon na maaaring mauwi sa karahasan. Pinayuhan din ang mga residente na idaan sa maayos na usapan ang anumang hindi pagkakaunawaan o humingi ng tulong sa barangay at pulisya.
Ang panawagang ito ay kasunod ng dalawang magkahiwalay na insidente ng karahasan sa Kamaynilaan—ang pamamaril sa isang dog owner sa Paco, Manila noong Nobyembre 24, at ang pagkamatay ng isang tricycle driver matapos sampalin ng kapwa driver sa Barangay Paltok, Quezon City noong Nobyembre 15.
Paalala ng NCRPO sa publiko, agad na tumawag sa national emergency hotline 911 o magtungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya sakaling may emergency o banta sa seguridad. (Arnold Pajaron Jr)
