Hindi nakaligtas sa kamay ng batas ang isang pugante matapos siyang matunton at madakip ng mga operatiba ng Pasig City Police sa lalawigan ng Iloilo kahapon ng tanghali, Nobyembre 25, 2026.
Kinilala ang suspek na si alyas “Engelbert,” 49-anyos, binata, isang trainer na naninirahan sa Pototan, Iloilo at tubong Villasis, Pangasinan. Siya ay nakatala bilang District Level Top 9 Most Wanted Person ng Eastern Police District (EPD) para sa buwan ng Disyembre 2026.
Bandang alas-12:30 ng tanghali nang isilbi ng mga tauhan ng Pasig CPS Warrant and Subpoena Section at Follow-Up Section ang tatlong standing warrants of arrest laban sa suspek malapit sa Barotac Viejo Justice Hall sa Barotac Viejo, Iloilo.
Nag-ugat ang pag-aresto sa magkakahiwalay na kaso ng pamemeke ng mga pampublikong dokumento (Falsification of Public Documents) na inilabas ng mga korte sa Pasig at Quezon City.
BASAHIN: Mag-ingat sa online meetups – EPD DD PBGen. Roman Arugay
Kabilang dito ang warrant mula sa MeTC Branch 68 ng Pasig City (may petsang Mayo 26, 2022) na may inirekomendang piyansang P36,000; RTC Branch 67 ng Pasig City (Hulyo 22, 2021) na may P72,000 piyansa; at RTC Branch 215 ng Quezon City (Marso 30, 2022) na mayroon ding P72,000 piyansa.
Pinuri naman ni EPD District Director Police Brigadier General Roman C. Arugay ang matagumpay na operasyon ng Pasig police sa labas ng Metro Manila.
“Distance is never a barrier when our operatives are determined to enforce the law and bring wanted persons before the courts of justice. Sa pamamagitan ng masigasig at disiplinadong pagganap sa tungkulin ng ating kapulisan, patuloy naming titiyakin na walang takas sa batas ang sinumang may pananagutan,” ani Arugay.
Matapos isailalim sa initial booking sa Barotac Viejo Municipal Police Station at mandatory medical examination sa Rizal Medical Center, pansamantalang ikukulong ang suspek sa Pasig CPS Custodial Facility habang hinihintay ang commitment order mula sa korte. (Arnold Pajaron Jr)
