Arestado ang dalawang kasambahay matapos nilang sapilitang buksan ang vault ng kanilang amo at tangayin ang aabot sa P3.55 milyong halaga ng pera at mamahaling alahas sa isang modus na “budol-budol” sa Barangay Mariana, New Manila kahapon ng hapon, Nobyembre 25, 2026.
Base sa paunang imbestigasyon ng Galas Police Station (PS 11) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-4:30 ng hapon nang makatanggap ng tawag ang isa sa mga suspek mula sa isang hindi pa nakikilalang babae na ginaya ang boses ng kanilang amo.
Nagpanggap umano ang tumawag na naaksidente siya, nakasagasa ng bata, at kailangang-kailangan ng pera para pambayad sa ospital. Inutusan nito ang kasambahay na sirain ang vault sa loob ng kuwarto ng amo.
Dahil sa pagkataranta, nagpatulong ang kasambahay sa isa pang kasamahan sa trabaho upang buksan ang vault gamit ang mga construction tools. Nang makuha ang laman, agad nila itong ibinigay sa isang hindi pa nakikilalang lalaking kasabwat malapit sa isang simbahan sa Barangay Mariana.
BASAHIN: Sindikato ng caroling bistado.. NCRPO, tutok laban sa pang-aabuso sa mga bata at katutubo
Lumalabas sa imbentaryo na natangay ang P300,000 cash at tinatayang P3.25 milyong halaga ng mga alahas at luxury watches, kabilang ang isang gold Patek Philippe watch, ladies’ white gold Rolex, ladies’ Rolex Datejust, pearl choker set, dalawang white South Sea pearl sets, blue sapphire set, at gold jewelry set.
Kasalukuyan nang nakakulong ang dalawang kasambahay habang nagsasagawa ng follow-up operation ang QCPD upang matukoy at madakip ang babaeng tumawag at ang lalaking kumuha ng mga nakaw na gamit.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director Police Brigadier General Christopher N. Abrahano, masusing inaalam ng mga imbestigador ang eksaktong partisipasyon ng bawat sangkot upang tuluyang mabuwag ang sindikato.
“When a caller pressures you to send money or hand over valuables for an alleged emergency, do not act on panic or urgency. Drop the call, verify the information independently, and speak directly with the person involved,” babala ni Abrahano sa publiko.
“We are also putting scammers on notice: anyone who exploits deception and fabricated emergencies to victimize our communities will be tracked down and will face the full force of the law,” dagdag pa ng opisyal. (Arnold Pajaron Jr)
